Game-based learning bilang estratehiyang pedagohikal sa pagtuturo ng Filipino sa elementarya: Karanasan at hamon sa mga guro
Year: 2026
Type: article
Abstract: Tinalakay sa pag-aaral na ito ang paggamit ng game-based learning bilang estratehiya sa pagtuturo ng Filipino sa elementarya. Binigyang-pansin dito ang mga larong ginagamit ng mga guro, ang kanilang mga karanasan sa paggamit nito, ang mga benepisyong naidudulot sa pagkatuto ng mga mag-aaral, at ang mga hamong kinakaharap sa pagpapatupad nito. Gumamit ang pag-aaral ng kwalitatibong disenyo sa pamamagitan ng penomenolohikal na pamamaraan. Sampung (10) guro mula sa Guruyan Elementary School na may aktuwal na karanasan sa pagbuo at paggamit ng game-based learning ang pinili sa pamamagitan ng purposive sampling. Isinagawa ang pangangalap ng datos gamit ang semi-structured interview na nakabatay sa mga gabay na tanong upang higit na maunawaan ang kanilang mga karanasan at pananaw. Sinuri ang mga nakalap na datos sa pamamagitan ng tematikong pagsusuri upang matukoy ang magkakatulad na ideya at mabuo ang mga pangunahing tema. Batay sa mga natuklasan, tatlong digital na plataporma ang ginagamit ng mga guro sa pagtuturo ng Filipino: Wordwall, Quizlet, at Quizizz. Nakatutulong ang mga ito upang gawing mas kawili-wili ang mga aralin, mapataas ang interes at pakikilahok ng mga mag-aaral, mahikayat ang pagtutulungan, at mapadali ang pagtataya sa kanilang pagkatuto. Gayunpaman, nakararanas ang mga guro ng ilang hamon, kabilang ang kakulangan sa mga kagamitang teknolohikal at maayos na koneksyon sa internet, pamamahala ng oras at kaayusan ng klase, at limitadong pagsasanay sa wastong paggamit ng mga larong pampagkatuto. Ipinakikita ng pag-aaral na maaaring maging makabuluhang estratehiya ang game-based learning sa pagtuturo ng Filipino sapagkat ginagawa nitong mas masigla, kawili-wili, at interaktibo ang proseso ng pagkatuto. Gayunman, mahalagang maiangkop ang mga larong ginagamit sa mga layunin ng aralin at pangangailangan ng mga mag-aaral upang higit na maging mabisa ang pagtuturo at pagkatuto.
Authors: Ruceth D. Buban, Ruby D. Gimpao
Language: Tagalog
Subfield: Developmental and Educational Psychology
Field: Psychology
Domain: Social Sciences
Keywords: game-based learning, Filipino language teaching, primary education, teacher experiences, digital learning platforms, Wordwall, Quizlet, Quizizz, student engagement, teacher challenges, educational technology in the classroom, teacher training needs, classroom management, learning assessment, teacher self-efficacy, teacher motivation, teacher burnout
SDG: Quality education
Open Access status: diamond
OpenAlex ID: W7225997759
