Year: 2026
Type: article
Study design: Clinical Trial
Abstract: Nilayon ng pag-aaral na ito na masuri ang epekto ng paggamit ng Annotation Strategy sa maunawang pagbasa ng tula sa Filipino 8. Layunin nitong matukoy kung nakatutulong ang estratehiyang ito sa pagpapahusay ng pag-unawa ng mga mag-aaral sa mahahalagang elemento at detalye ng tula, kabilang ang tema, paksa at mensahe; pagpapaliwanag sa mga pahiwatig, simbolo, talinghaga at larawang diwa; at pagsusuri sa mga elementong panlingguwistika tulad ng tugma, sukat, tayutay at tono. Gumamit ang pag-aaral ng quasi-experimental na disenyo, partikular ang pre-test-post-test na disenyo, na nilahukan ng 60 mag-aaral sa Baitang 8. Ginamit bilang instrumento ang mga pagsusulit na nakatuon sa tatlong pangunahing kasanayan sa maunawang pagbasa ng tula. Isinagawa ang interbensiyon sa pamamagitan ng Annotation Strategy kung saan tinuturuan ang mga mag-aaral na magmarka, magtala, magtanong, magbigay-kahulugan at magbigay ng reaksiyon sa mahahalagang bahagi ng binabasang tula.Ipinakita ng resulta na nagkaroon ng pagtaas sa pagganap ng mga mag-aaral sa tatlong kasanayan. Sa pagtukoy sa mahahalagang elemento at detalye ng tula, tumaas ang mean mula 79 sa paunang pagsusulit tungo sa 84 sa pagsusulit pagkatapos ng interbensiyon. Sa pagpapaliwanag ng pahiwatig, simbolo, talinghaga at larawang-diwa, tumaas ang mean mula 89 tungo sa 93. Samantala, sa pagsusuri ng mga elementong panlingguwistika, tumaas ang mean mula 63 tungo sa 75. Ipinakita rin ng paired-samples t-test na may makabuluhang pagkakaiba sa pre-test at post-test na pagganap ng mga mag-aaral sa tatlong kasanayan: t = 3.16, p = .002; t = 2.53, p = .014; at t = 6.04, p < .001. Dahil dito, tinanggihan ang null hypothesis at ipinakitang may makabuluhang epekto ang paggamit ng Annotation Strategy sa paglinang ng maunawang pagbasa ng tula. Bukod dito, lumitaw ang mataas na antas ng interes at retensiyon ng mga mag aaral, na nagpapahiwatig ng positibong epekto nito sa kanilang motibasyon at pagkatuto. Sa kabuoan, ang Annotation Strategy ay isang mabisang estratehiya sa pagtuturo ng tula sapagkat hinihikayat nito ang mga mag-aaral na maging aktibong mambabasa, mapalalim ang kanilang pag-iisip, at magkaroon ng mas sistematikong paraan ng pagkuha at pagsusuri ng mahahalagang detalye mula sa teksto.
Author: Irish I. Bayotlang
Language: Tagalog
Subfield: Developmental and Educational Psychology
Field: Psychology
Domain: Social Sciences
Keywords: annotation strategies, reading comprehension, poetry, Filipino language teaching, eighth grade students, literary elements, figurative language, symbolism, allusion, tone, rhyme and meter, reading strategies, writing assessment, reading and writing integration, reading and writing instruction
SDG: Quality education
Open Access status: diamond
OpenAlex ID: W7235326525
